Ang Islam ay nakilala sa
Pilipinas noong 13 siglo sa pamamagitan ng isang Arabong
Misyonaryo na si Sharif Makhdum na lumapag sa Sulu.
Ipinagawa niya ang unang Masjid sa Pilipinas sa
Tubig-Indangan, Pulo ng Simunol, Lalawigan ng Tawi-Tawi.
Ang natitirang bahagi ng Masjid ay makikita pa rin sa
dati niyang kinalalagyan. Si Makhdum ay namatay sa Pulo
ng Sibuto, Lalawigan ng Tawi-Tawi at ang kanyang puntod
ay dinadayo ng mga turista hanggang sa ngayon.
Ng taong 1390, si Rajah
Baginda ay dumating sa Bansa at pinagpatuloy ang
pagpapalaganap ng Islam na sinimulan ni Sharif Makhdum.
Si Abu Bakr ay dumating sa Jolo noong 1450 at pagkatapos
ay pinakasalan niya ang dalagang anak ni Rajah Baginda
na si Putri (Princess) Paramisuli. Si Abu Bakr ang
nagtatag sa tinatawag na Sultanate of Sulu na kung saan
silang mag-asawa ang naging unang Sultan at Sultana.
Pagkatapos maitatag ang
Islam sa Sulu, ang mga Muslim ay naglakbay patungong
Mindanao sa pamumuno ni Sharif Kabungsuwan. Siya ay
lumapag sa Maguindanao (Cotabato) sa taong 1475 at
pagkatapos ay pinakasalan niya si Putri Tunina. Sila rin
ang kauna-unahang Sultan at Sultana sa Maguindanao.
Sa paglipas ng maraming taon,
maraming Datu na Muslim ang pumunta sa Pilipinas
pagkatapos marinig ang magandang balita sa magandang
pagtanggap sa mga naunang Muslim. Magmula sa Borneo ay
dumating ang sampung Datu na lumapag sa Panay. Ang mga
Datung ito ay sina : Datu Puti, Datu Sumakwel, Datu
Bangkaya, Datu Dumalogdog, Datu Paiburong, Datu
Paduhinog, Datu Lubay, Datu Dumangsil, Datu Kalantiaw at
si Datu Balensula.
Si Datu Puti ang siyang
pinuno ng grupo ng mga Datu. Si Datu Puti ay dalubhasa
sa paglalakbay at sila'y lumapag sa San Joaquin, Iloilo
(ang pangalan nito noong una ay Siwaragan). Si Datu Puti
at ang mga kasama niya ay binili ang mababang lupa sa
Iloilo na nagmula kay Marikudo, ang pinuno ng mga Ita.
Nagtatag sila ng sarili nilang pamayanan. Nang ang
pamilya ng mga taga Borneo ay natatag sa Panay, si Datu
Puti, si Datu Balensula at si Datu Dumangsil ay
naglakbay muli at kanilang narating ang Batangas na
sakop ng Luzon.
Si Datu Balensula at si Datu
Dumangsil ay nagtatag ng sarili nilang pamayanan at si
Datu Puti ay nagbalik sa Borneo sa daang Mindoro at
Palawan. Isinalaysay niya ang kanyang karanasan sa mga
Borneans at dumami ang nabighani para makapunta sa
Pilipinas.
Nang lumapag si Magellan sa
Pulo ng Limasawa noong ika-16 ng Marso 1521, ang
Pilipinas ay isa ng Bansa ng mga Muslim sa kadahilanang
ang karamihan ng populasyon ay mga Muslim na.
Pinatutunayan din sa kasaysayan na noong dumating si
Legaspi (ang pumalit kay Magellan na napatay ni
Lapu-Lapu), ang kaharian ng mga Muslim ay naitatag na sa
Batangas, Pampanga, Mindoro, Panay, Catanduanes, Cebu,
Bohol, Samar, Manila, Palawan, na hindi pa kasali ang
solidong mga Pulo ng Mindanao.
Noong ika-13 ng Hunyo 1571,
ang mga Kastila ang nagpasimula ng mainit na digmaan
laban sa mga Muslim ng Maynila na pinamumunuan ng huling
haring Muslim na si Rajah Soliman (ang pinuno ng mga
Sultan sa Luzon).
Ipinagtangol ni Rajah
Soliman ang kanyang kaharian ng buong tatag hanggang sa
kahulihulihang hibla ng kanyang buhay na nangyari sa
Bangkusay, (sa dalampasigan ng Tondo). Sa pagkatalo ni
Soliman, ang mga Kastila ay nagdulot ng lagim sa Pulo ng
Luzon. Pinatay nila ang mga lalaki at babae, matanda at
bata.
Ang mga Muslim sa karatig
bayan ay nagtangol sa kanilang mga sarili hanggang sa
kanilang huling hininga. Itak at palaso laban sa baril
at kanyon.
Itinatag ng mga Kastila na
pangunahing lugar ang Manila at nagplano sila na lusubin
ang Visayas. Sa maikling sandali, nalupig nila ang
Visayas. Ang mga Muslim na hindi namatay sa digmaan ay
napilitang talikdan ang kanilang relihiyon at tanggapin
ang Kristiyanismo. Pero ang mga matatapang at bayani ay
mas nilubos pa nilang mamatay kaysa sumira sa ALLAH (Subhanahu
Wa Taala). Ang mga katutubo na mahihina ang
pananampalataya sa kanilang dating relihiyon ay tinangap
ang relihiyon ng mga Kastila.
Hindi huminto ang mga
Kastila sa pagsakop sa Luzon at Visayas. Di pa sila
nakontento, pinangarap pa nilang masakop ang mayamang
lupain ng Mindanao. Pero ang mga tribu ng Kalagan,
Maguindanao, Iranon, Maranaw, Tausog, Yakan at Sama,
nilabanan nila at pinahinto ang pangarap ng mga Kastila.
At doon nagsimula ang
tumanyag na digmaan ng mga Muslim at Kastila.
Dalawang bagay ang dahilan
kung bakit nagkaroon ng digmaan :
1) Gusto ng mga Kastila na
siyang maghari at sakupin ang mga Muslim pero mahal ng
mga Muslim ang kanilang kalayaan at mas gugustuhin pa
nilang mamatay kaysa maging alipin ng mga Kastila.
1) Nagpahayag ang mga
Kastila ng mensahe ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng
espada kaya't nag-alsa ang mga Muslim at ginamit ang
kanilang kris at bolo para ipagtanggol ang Islam hangang
sa huling sandali.
Ang mga Datus na nagtangol
sa lupain ng Mindanao laban sa kasakiman ng mga
manlulupig na Kastila ay ang mga sumusunod :
1) Si Sultan Pangiran na
isang Tausog, ipinagtanggol niya ang lugar ng Zamboanga
at Sulu.
1) Pinatay nila Datu Sirugan
at ang kanyang kapatid na si Datu Ubal ng Maguindanao si
Kapitan Figueroa na isang Kastilang mananakop.
1) Sa ginawang paglusob ng
mga Kastila sa Mindanao, naghiganti sina Datu Sirugan ng
Maguindanao at si Datu Buisan ng Lanao ng isa ring
maingat na paglusob. Nilusob nila ang Cebu, Negros at
Panay at nabihag nila ang maraming Kristiyano at sila ay
kanilang ginawang alipin.
1) Si Datu Tagal ng Cotabato
ay nakapatay ng maraming mandirigmang Kastila.
1) Si Sultan Kudarat ng
Cotabato, ipinagtanggol niya ang Lamitan hanggang siya'y
napilitang lumipat sa Iligan dahil sa napakalakas na
puwersa ng mga Kastila.
1) Si Sultan Bungsu ng
Zamboanga ay nakipaglaban sa mga mananakop ng buong
giting. Nang ang kanyang asawa na si Pangian Tuan Baloca
ay nahuli ng mga Kastila, sinikap niyang maging maganda
ang kanyang pakikidigma hanggang sa makuha niya ang Jolo
noong taong 1645 sa mga kamay ng mga Kastila at iniutos
niyang sirain ang kanilang garison na itinayo sa
Zamboanga.
1) Si Sultan Jamaluddin Al
Alam at si Sultan Badruddin II ang siyang nagpatuloy ng
pakikidigma para protektahan ang Mindanao hanggang sa
dumating ang mga taga-Britanya. Sa dahilang hindi
malupig ng mga Kastila ang mga Muslim, sila ay
napilitang lumagda ng kapayapaan at nagbayad ng buwis
kay Jamaluddin at Badruddin.
1) Si Datu Udtog ng Cotabato
ang siyang pumatay kay Gobernador Emilio Terrero na
isang Kastila.
1) Si Datu Ali ng Baloi,
Lanao, napatay niya ang Gobernador ng Misamis na si
Valeriano Weyler.
1) Pinatay ng mga magigiting
na Maranaw si Heneral Ramon Blanco sa huling pagsubok ng
mga Kastila na sakupin ang Mindanao.
Ang pagsakop ng mga Kastila
sa Pilipinas ay nagwakas noong taong 1898 at ang mga
Amerikano ang siyang pumalit sa mga Kastila.
Sa mahigit na tatlong daang
taon na sinubukan ng mga Kastila na sakupin ang mga
Muslim, ang Espanya ay bumagsak at napahiya dahil ang
mga Muslim sa Mindanao ay nagtagumpay na maipagtangol
ang Islam sa Mindanao. Ganoon din ang nangyari sa mga
Amerikano at Hapon na walang nagawa para sakupin ang mga
Muslim. Dito natin makikita ang kapangyarihan at
kadakilaan ng ALLAH (Subhanahu Wa Taala) na kapag
ginusto Niya, walang makapipigil lalo na't ipinaglalaban
ng mga Muslim ang relihiyon ng ALLAH, ang Islam.
Kaya't masugid naming
mambabasa, buksan ang kaisipan at damdamin para ang
ganap na gabay at liwanag tungo sa Kanya at makamtan.
Manumbalik loob tayo sa dati
nating relihiyon, ang Islam, at ang kapayapaan at
kapanatagan ay mapapasaatin.
Nawa'y gabayan tayo ng ALLAH
(Subhanahu Wa Taala) para makamtan natin ang kaligtasan
at kaligayahan tungo sa buhay na walang hanggan - ang
PARAISO.
References :
1) Muslim In The Philippines
by Prof. Muhammad Kurais
2) Philippine Islamic
History by Ustadz Ismael Iljas
3) The Land Of Promise
" MINDANAO " by Senator Santanina Tillah Rasul
(Al Hadja)
4) Salsila by Ustadz Habib
Zain
Minamahal naming mga
kapatid, mambabasa at mga naghahanap ng katotohanan,
" PANAHON NA UPANG
GUMISING KAYO SA PAGKAKATULOG. (Roma 13:11). MAKIKILALA
NINYO ANG KATOTOHANAN, AT ANG KATOTOHANAN ANG
MAGPAPALAYA SA INYO." (Juan 8:32). Kayo mismo ang
dapat umalam kung ano ang ISLAM, Ang Relihiyon Ng
Katotohanan, ang tanging relihiyon na ibinigay ng Diyos
sa sangkatauhan mula pa sa simula ng panahon. Para sa
iba pang impormasyon at upang higit na maunawaan ang
Islam, kayo po ay aming inaanyayahan na magsadya sa
Religious Research Centre (RRC), No. 502, Km. 5,
Talon-Talon, Zamboanga City 7000, Philippines o kaya ay
tawagan kami sa aming Telepono at Telefax Bilang (6362)
991-8390, E-mail: religion@jetlink.com.ph
URL :
http://www.geocities.com/Athens/Olympus/1458/ Mailing
Address : P.O. Box 364, Zamboanga City, Philippines