ISINULAT AT
ITINIPON NI:
AHMAD JIBRIL SALAS
PANINIMULA
ANG MAIKLING PAGLALAHAD NA
ITO AY TINANGKA UPANG BIGYAN-DAAN ANG MAGANDANG UGNAYAN
NG MUSLIM AT KRISTIYANO SA LARANGAN NG RELIHIYON. ANG
ISLAM AT KRISTIYANISMO AY KAPWA NANINIWALA SA DIYOS AT
SA MGA PROPETA NG DIYOS.ANG ISLAM AT KRISTIYANISMO AY
MAY PAGKAKA ALINTULAD SA MARAMING ASPETO. ANG TANGING
KAIBAHAN AY NAKASALIG SA KATAUHAN NI HESUS.ANG
KRISTIYANISMO AY NANINIWALA NA SI JESUS AY
diyos-na-nagkatawang-tao AT SIYA AY ANAK NG DIYOS.
NGUNIT ANG ISLAM AY NANINIWALA KAY HESUS HINDI BILANG
DIYOS KUNDI BILANG ISANG DAKILANG PROPETA NG
DIYOS.WALANG MUSLIM ANG MAAARING MAGING GANAP NA MUSLIM
SA TUNAY NA DIWA NG ISLAM KUNG TINATALIKDAN NIYA SI
HESUS BILANG PROPETA AT SUGO NG DIYOS. NANINIWALA ANG
MGA MUSLIM NA SI HESUS ANG SIYANG MESIYAS (MESSIAH).
NANINIWALA ANG MGA MUSLIM NA SI HESUS AY IPINANGANAK NI
BIRHEN MARIA NA WALANG KINASASANGKUTANG LALAKI SA
KANYANG PAGLILIHI.
NANINIWALA ANG MGA MUSLIM NA
SI HESUS AY NAKAPAG-PAGALING NG MGA BULAG, KETONGIN SA
KAPAHINTULUTAN AT KAPANGYARIHAN NG DIYOS. KUNG ATIN
LAMANG BIBIGYAN NG MASUSI AT MAKATOTOHANANG PANANALIKSIK
AT MAKABULUHANG PAG-AARAL ANG TUNAY NA PANGYAYARING
UMIKOT SA BUHAY AT KATAUHAN NI
PROPETA HESUS NA NAPAPALOOB
SA BANAL NA QURAN AT BIBLIYA KAKAMBAL NG REALISTIKONG
PANG-UUNAWA SA BUHAY NIYA, MAAARING ITO ANG DAAN UPANG
MAPATID ANG MATAGAL NG DI PAGKAKAUNAWAAN NG MAGKABILANG
PANIG.
BAGO PA MAN SUMIKAT MULI ANG
LIWANAG NG ISLAM (ANG RELIHIYON NG PAGSUKO AT PAGSUNOD
SA DIYOS) SA PAMAMAGITAN NI PROPETA MUHAMMAD (SUMAKANYA
NAWA ANG KAPAYAPAAN), MARAMI NA ANG NANINIWALA AT
TUMATANGGAP KAY HESUS HINDI BILANG DIYOS O ANAK NG DIYOS
KUNDI BILANG DAKILANG SUGO AT PROPETA NG DIYOS.KATULAD
NG PANANAW NG ISLAM KAY HESUS,SIYA AY MINAMAHAL,
IGINAGALANG AT TINITINGALA BILANG DAKILANG SUGO NA
NAGBIGAY ARAL TUNGKOL SA PAGSAMBA SA TANGING ISANG DIYOS
NG SANLIBU-TAN.
ANG BANAL NA QURAN AT MAGING
ANG BIBLIYA AY NAGTUTURO SA ATIN NA KAILANMAN SI HESUS
AY HINDI NAGSABI NA SIYA AY DIYOS AT DAPAT SAMBAHIN
BILANG DIYOS O ANAK NG DIYOS. ISANG BAGAY NA KATOTOHANAN,
SI HESUS AY LAGI AT LAGI NG NANGANGARAL O NAGTUTURO SA
LAHAT NG KANYANG KINASASAKUPAN NA SAMBAHIN, PURIHIN, AT
DAKILAIN ANG KANYANG PANGINOON AP PANGINOON NG LAHAT.
SA GANITONG KAAYUSAN,
MINABUTI NAMING ILAHAD AT IHAYAG ANG ILANG KATOTOHANANG
NAPAPALOOB SA BIBLIYA AT BANAL NA QURAN,SI HESUS BILANG
ANAK NI MARIA NA ITINALAGA NG PANGINOONG DIYOS BILANG
KANYANG PROPETA, SUGO, AT LINGKOD.
NAWA'Y MAGBIGAY AT MAGDULOT
ITO NG MALINAW NA PANANAW SA LAHAT NG TAONG NAGHAHANAP
NG GANAP NA KATOTOHANAN AT LIWANAG SA GITNA NG GANAP NA
KATOTOHANAN AT LIWANAG SA GITNA NG BUHOL-BUHOL AT
MASALIMUOT NA PANINIWALA AT PALA-PALAGAY NA NAKAPALIGID
SA PAGSILANG,AT LAYUNIN NG DAKILANG PROPETA NG DIYOS, SI
HESUS ANG ANAK NI MARIA.
I.HESUS bilang PROPETA ng
DIYOS
Maraming bersikulo sa
Bibliya (Bagong Tipan) ang nagpapatotoo at nagpapatunay
na si Hesus ay hindi humigit sa isang PROPETA lamang.
Halimbawa:
JUAN 7:40 " ang ilan
nga sa karamihan,nang marinig ang mga salitang ito,ay
nangagsabi, tunay na ito ang PROPETA."
JUAN 4:44 " Sapagkat si
Hesus din ang nagpapatotoo na ang isang PROPETA ay
walang kapurihan sa kanyang lupain."
LUCAS 24:19 " ang mga
bagay tungkol kay Hesus na Nasareno, na isang PROPETA
makapangyarihan sa gawa at salita sa harap ng Diyos at
ng buong bayan."
LUCAS 7:16 " lumitaw sa
gitna natin ang isang Dakilang PROPETA at dinalaw ng
Diyos ang kanyang bayan."
LUCAS 13: 33 "Ako'y
yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa :
sapagkat hindi mangyayari na ang isang PROPETA ay
mamatay sa labas ng Jerusalem.
JUAN 6:14 " …totoong
ito nga ang PROPETA na paparito sa sanlibutan."
HEBREO 3:1 "…inyong
isipin ang Apostol (PROPETA) at Dakilang Saserdote na
ating kinikilala, si Hesus.
JUAN 9:17 "… muling
sinabi nga nila sa bulag, Ano ang sabi mo tungkol sa
kanya (Hesus),na siyang nagpadilat sa iyong mga mata? At
sinabi niya, Siya ay isang PROPETA."
II.HESUS Bilang SUGO AT
LINGKOD ng DIYOS
Sa iba't ibang panahon at
lupain,ang Panginoong Diyos ay pumili ng mga banal na
tao upang gawing tagapaghatid ng Batas at Kautusan para
sundin ng tao. Sa kasaysayan, mayroong mga Sugo ng Diyos
na nauna pa kay Propeta Hesus katulad halimbawa nina
Noah,Abraham, David,Aaron,at Moises. Ito ay malinaw na
matutunghayan sa Bibliya at maging sa Banal na Quran.Si
Hesus ay itinuring na isa sa Dakilang Sugo at Lingkod (Alipin)
ng Diyos.Sa Bibliya nakatala si Hesus bilang Sugo at
Lingkod (Alipin) ng Diyos.Halimbawa:
MATEO 15:24 "… hindi
ako ISINUGO kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni
Israel."
MGA GAWA 3:13 " Ang
Diyos ni Abraham at ni Isaak at Jacob at ang Diyos ng
ating mga magulang ay niluwalhati ang kanyang LINGKOD na
si Hesus."
MGA GAWA 4:27 "sapagkat
sa katotohanan sa bayan ito'ng laban sa inyong banal na
LINGKOD na si Hesus."
MATEO 12 :18 "narito
ang LINGKOD ko na Aking hinirang ."
JUAN 17:3 "at ito ang
buhay na walang hanggan, na Ikaw ay makilala nila na
iisang Diyos na Tunay na si Hesus bilang iyong SUGO."
JUAN 8:42 "sinabi sa
kanila ni Hesus,Kung ang Diyos ang inyong Ama, ay inyong
ibigin ako sapagkat ako'y nagmula at nanggaling sa Diyos,
sapagkat hindi ako naparito sa aking sarili , kundi
SINUGO niya Ako."
III.HESUS Hindi DIYOS na
NAGKATAWANG-TAO
Sa iba't ibang relihiyon,
ang pinakadiwa at kaisipan ng kani-kanilang tagasunod
tungkol sa Diyos ay yaong na TAGAPAGLIKHA ay naging
isang NILIKHA. At dahil nga sa paniniwalang ito,sila ay
sumasamba sa inaakala nilang Diyos. Halimbawa, sa
relihiyong Buddhismo, pinaniniwalaan nila na si Buddha
ay diyos na nagkatawang -tao.Sa Hinduismo, naniniwala
din na ang Diyos ay sumanib o napapaloob sa katawan ng
mga bagay na katulad halimbawa ng baka , elepante ,
halaman o mga bagay na inaakala nilang naroon ang Diyos.
Sa Judaismo naman, bagamat sila ay naniniwala sa Isang
Diyos na Tagapaglikha, sila ay nagbibigay ng mga
katangiang angkop lamang sa tao kaya't mababasa natin sa
Lumang Tipan na ang Diyos ay namamahinga sa ika-pitong
araw o dili kaya ay nagsisisi.Ang pamamahinga at
pagsisisi ay gawaing angkop lamang sa tao na nilikha na
may angking kahinaan.Ang lahat ng paniniwalang ito ay
salungat at hindi umaayon sa tunay na utos ng Diyos .
Ang paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang-tao o naging
isang nilikha ay ganap na salungat sa mga Aral ng mga
Propeta. Ang pagsamba ng tao sa isang bagay na nilikha
lamang maging ito ay kapwa tao,propeta, hayop o
halamanan ay isang hayag na Idolotriya na sa kabuuan ay
isang malaking kasalanan na walang kapatawaran . Ang
Bibliya (Lumang Tipan) ay nagpatunay nito bilang babala
sa tao:
EXODUS 20:3-4 "Huwag
kang magkakaroon ng ibang diyos sa harap ko. Huwag kang
gagawa para sa iyo ng larawang inanyuhan o ng kawangis
man ng anumang anyong nasa itaas sa langit o ng nasa
ibaba ng lupa,o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa ."
EXODUS 20:23 "Huwag
kayong gagawa ng ibang mga diyos na inaagapay sa
akin."
ISAIAS 44:9 "Silang
nangagbigay anyo sa larawang inaanyuhan ay walang
kabuluhan silang lahat at ang kanilang mga bagay na
kinalulugdan ay hindi napapakinabangan."
Karamihan sa relihiyong
Kristiyanismo,ganito rin ang naging paniniwala nila
tungkol kay Propeta Hesus. Si Hesus na isang Propeta at
Sugo ay ginawang diyos at sinamba bilang diyos. Kahit
isang bersikulo sa Bibliya walang mababasa na si Hesus
ay nagsabi na siya ay taong naging Diyos.Sa aklat ni
Oseas, ang Diyos ay tuwirang sinabi Niya na:
OSEAS 11:9 "Sapagkat
Ako ay Diyos,hindi tao."
Binigyang liwanag din ng
isang bersikulo sa Bibliya na ang Diyos kailanman ay
hindi magkakatawang tao at hindi siya maaaring maging
anak ng tao.Ang Diyos ay nagwika:
MGA BILANG 23:19 " Ang
Diyos ay hindi tao na magsisinungaling o ni anak ng tao
na nagsisisi."
Kaya't sinomang tao ay hindi
maaaring tawaging Diyos o anak ng Diyos. Si Hesus ay
anak ng tao, katulad ng nakasaad sa ibang bersikulo ng
Bibliya:
MATEO 16:27 "Sapagkat
ang Anak ng tao (Hesus) ay paparitong nasa kaluwalhatian
ng kanyang Ama.
MATEO 16 28 " Hanggang
sa kanilang nakita ang anak ng tao (Hesus) na pumarito
sa kaniyang kaharian."
Katotohanan, maging ang mga
disipulo ni Hesus o kahit pa si Birhen Maria ay hindi
kailanman sumamba kay Hesus.May isang pagkakataon na si
Hesus ay inaakit ni Satanas. Si Satanas ay nagsabi na
sumamba lamang si Hesus kay Satanas, kanyang ibibigay
ang lahat ng maibigan. Ngunit si Hesus ay nagbigay ng
matibay na kasagutan. Siya (si Hesus) ay nagsabi:
LUCAS 4:8 "…
nasusulat, sa Panginoong Diyos sasamba ka at Siya lamang
ang iyong paglilingkuran."
ANG BINYAG ni HESUS
Ang pagbibinyag ay isang
paglilinis ng kasalanan. Si Hesus ay bininyagan ni Juan
Bautista na isang kinikilalang Propeta. Kung si Hesus ay
Diyos,maaari bang binyagan ng isang tao lamang ang Diyos
natin na Siyang Tagapaglikha ng buong sanlibutan?
Makatuwiran bang binyagan ang Diyos na Lubos na
Kabanalan at Kadakilaan? Hindi angkop sa Kabanalan at
Kapangyarihan ng Diyos na iugnay Siya sa bagay na gawain
lamang ng isang tao.
ANG PAGDARASAL ni HESUS
Ang pagdarasal ay isang uri
ng pagsamba at tanda ng pananampalataya sa Diyos.
Katulad ng gawa ng isang Muslim, mababasa natin sa
Bibliya na si Hesus ay nagdarasal.
MATEO 26:39 "…at
siya'y nagpatirapa at nanalangin."
Kung si Hesus ay Diyos na
nagkatawang-tao, kanino siya nagdarasal? At dahil nga si
Hesus ay nagsasagawa ng dasal,ito ay nangangahulugan na
siya ay may kinikilalang Diyos na kanyang sinasamba .
ANG PAG-AAYUNO NI HESUS
Ang pag-aayuno ay isang
banal na gawain na naglalarawan ng ganap na pagsamba at
pagsunod sa Batas ng Diyos.Ang lahat ng Propeta ng Diyos
nag-aayuno upang ilarawan sa tao kung paano
maisakatuparan ang tunay na diwa ng pananampalataya at
pagsamba.Kaya si Hesus ay makikita na nagsasagawa nito.
MATEO 4:2 "at ng siya'y
nakapag-ayuno ng apat-napung araw at apat-napung
gabi,siya ay nagutom."
Kung si Hesus ay Diyos hindi
siya maaaring pumailalim sa batas ng Pag-aayuno.
ANG MGA KAPATID NI HESUS
MATEO 13:55 "Hindi baga
ito ang anak ng anluwagi? Hindi baga tinatawag na Maria
ang kaniyang ina? At Santiago (James) ,Jose (Joses) at
Simon at Judas ang kanyang mga kapatid?
Kung si Hesus ay Diyos,
maaari din ituring ang mga kapatid niya bilang mga Diyos
sapagkat iisa ang kanilang lahi at dugo, (Dugong Diyos o
Lahing Diyos) Astagfirullah!
At kung si Santiago, Jose,
Simon at Judas ay kapatid ni Hesus sa Ina (Birhen Maria)
ano ang tawag ng mga kapatid ni Hesus sa kanya. Kuya ko
o Diyos ko? At si Birhen Maria paano niya tinatawag si
Hesus? Anak Ko o Diyos Ko?
Kaya nga ba ang pagturing
kay Hesus bilang Diyos ay hindi lamang paglapastangan sa
Kabanalan at Kadakilaan ng Maykapal kundi ito ay isang
insulto sa talino at karunungan ng tao.
ANG PANUNUKSO NG DIYABLO KAY
HESUS
MATEO 4:11 "inihatid ng
espiritu santo si Hesus sa ilang upang siya ay tuksuhin
ng diyablo."
Paano naging Diyos si Hesus
kung siya ay tinutukso ng Diyablo? Ang Diyablo ay isa
lamang nilikha ng Diyos.Walang kapangyarihan ang
maaaring makapaghamon sa Diyos sapagkat ang lahat ng
kapangyarihang taglay ng isang nilikha ay nagmumula sa
Diyos na Siyang may Hawak ng Ganap na
Kapangyarihan.Katulad ng nakasulat sa Bibliya (Bagong
Tipan) ang tunay na Diyos ay hindi natutukso.
SANTIAGO 1:13 "Sapagkat
ang Diyos ay hindi matutukso at hindi rin naman siya
nanunukso sa kaninoman.
ANG PAGPAKO KAY HESUS
MATEO 27:35 "…at nang
siya ay kanila ng maipako sa krus."
Maaari bang ang TAGAPAGLIKHA
ay ipako ng kanyang NILIKHA? Ang kapangyarihan ba ng
inilikha ay maaaring mangibabaw kaysa kapangyarihan ng
Tagapaglikha? Dito lamang sa pangyayaring ito makikita
natin na kung ganap nating bigyang katuwiran at tamang
kaisipan,magiging maliwanag sa atin na si Hesus ay hindi
Diyos kundi taong may taglay na kahinaan at
pangangailangan.Iba ang Tagapaglikha at iba rin naman
ang nilikha.Ang Tagapaglikha ay mananatiling
Tagapaglikha at ang nilikha ay mananatiling nilikha.
ANG PANAGHOY NI HESUS
MATEO 27:46 "At nang
malapit na ang oras na ika-siyam ay sumigaw si Hesus ng
malakas na tinig, na sinabi:ELI,ELI, lama sabachthani?
Samakatuwid baga'y, DIYOS KO, DIYOS KO, bakit mo ako
pinabayaan?
Bakit kailangang ituring ng
ibang kristiyano si Hesus bilang diyos samantalang si
Hesus ay tumatawag ng " DIYOS KO, DIYOS KO,? Ang
malakas na sigaw ni Hesus ay isang patunay na siya ay
may kinikilalang Diyos at hindi niya itinuturing ang
kanyang sarili bilang diyos.
ANG PAGTUTULI KAY HESUS
LUCAS 2:21 "makaraan
ang walong araw upang tuliin siya, tinawag siyang Hesus."
Ang pagtuli ay isang gawaing
may layuning mapanatili ang kalinisan.Ito ay unang
ginawa ni Propeta Abraham at ang panganay na anak na si
Ismael bilang tanda ng ganap na pagsunod sa kasunduan sa
Diyos.Ang gawang pagtuli ba ay maaaring iugnay sa Diyos
na Ganap at Puno ng Kadakilaan? Astagfirullah!
ANG ARAW NG PAGHUHUKOM
MARCUS 13:32 "…
sapagkat sa araw na yaon o oras na yaon kahit mga anghel
sa langit kahit anak kundi ang Ama"
Si Hesus ay nagsabi na
walang tao o anghel at maging ang kanyang sarili ang
nakakaalam sa araw ng Paghuhukom.Paano naging Diyos si
Hesus kung ang Araw ng Paghuhukom ay hindi niya batid?
Ang Tunay na Diyos ay nakababatid ng lahat ng bagay.Ang
lahat ng galaw, pangyayari at kilos ay nasa kaalaman ng
Makapangyarihang Diyos.
ANG KAMATAYAN NI HESUS (AYON
SA BIBLIYA)
ROMA 5:6 "Sapagkat nang
tayo ay mahihina pa ay namatay si Kristo sa kapanahunan
dahil sa mga masama."
Ayon sa Bibliya si Hesus ay
namatay.Kung si Hesus ay Diyos at siya ay namatay sino
ang nagpanatili sa mundo at ng lahat ng bagay na may
buhay? Sino ang tagapangalaga ng lahat ng kabuhayan dito
sa mundo kung patay ang Diyos?Ang kamatayan ay hindi
maaaring taglayin ng Tunay na Diyos.Sa katunayan si San
Pablo ay nagsabi na ang Tunay na Diyos ay:
I TIMOTEO 6:16 " Siya
lamang ang walang kamatayan , na nananahanan sa liwanag
na di malapitan, na di nakita ng sinomang tao."
Ang mga pangyayaring namuo
sa buhay ni Hesus ay mga pangyayaring nagpapatunay na
siya ay taong inilunsad ng Diyos bilang Kanyang PROPETA
at SUGO. Ang mga mga gawaing pang-araw ni Hesus, ang
kanyang damdamin,kilos at galaw ay likas na larawan ng
isang nilikhang sumasamba at kumikilala sa Diyos.Ang
kanyang pagsilang , paglaki at pangangaral ay mga banal
na layunin na kanyang ginawa bilang pagtupad sa Kautusan
ng Diyos.
ANG KAPANGYARIHAN NI HESUS
Ang kapangyarihan ni Hesus
ay nagmula sa Diyos.Ang sinomang nilikha ay ganap na
umaasa lamang sa Diyos kaya si Hesus ay kanyang sarili
ay walang kapangyarihan.Lahat ng kanyang ginagawa ay
hindi sa ganang kanya kundi sa pamamagitan ng Diyos na
nagsugo sa kanya.
MGA GAWA 2:22 "…
Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga
salitang ito, si Hesus, na taga Nazareth, lalaking
pinatunayan ng Diyos sa mga kababalaghan at mga tanda na
ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo gaya
rin ng nalalman ninyo.
JUAN 5:30 " hindi ako
makagagawa ng anuman sa aking sarili."
LUCAS 11:20 "… sa
pamamgitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalabas ako ng mga
demonyo."
MATEO 12:28 "… sa
pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalabas ako ng
demonyo."
Maliwanag na kailanman ay
hindi maaaring maging Diyos si Hesus sapagkat ang isang
katangian ng isang Tunay na Diyos ay ang Kaganapan ng
Kapangyarihan. Ngunit si Hesus ay umamin sa kanyang
sarili na wala siyang magagawa.
ANG MGA BANAL NA SALITA NI
HESUS
JUAN 14:6 "…ako ang
daan at katotohanan."
Ang bersikulong ito ay hindi
dapat ipakahulugan na si Hesus ay Diyos.Ang lahat ng
Propeta sa kani-kanilang panahon ay itinuturing na Daan
at Katotohanan sapagkat sila ang pinagkatiwalaan ng
Diyos upang akayin ang lahat ng tao sa landas tungo sa
kaligtasan. Ang mga Propeta ang siyang may hawak ng
Katotohanan.Halimbawa, sa panahon ni Propeta Noah,
sinoman ang hindi sumunod sa aral ni Noah ay nalunod. Sa
panahon ni Moises , lahat ng taong nagtakwil sa mensahe
ni Moses ay nalunod din.Ang Daan at Katotohanan ay
taglay ng lahat ng Propeta.Kung ang Daan at Katotohanan
ay para lamang kay Hesus, paano na lamang ang mga taong
nauna sa panahon ni Hesus, sila ba ay walang kaligtasan?
Ang Diyos ay Makatarungan at hindi Niya maaaring gawin
ang isang bagay na hindi makatuwiran.Ang kaligtasan ng
lahat ng tao ay matatamo sa pamamagitan ng pagsunod sa
mga Propeta sapagkat ang pagsunod sa kanila ay pagsunod
din sa Diyos.Magkakaroon lamang ng kahulugan ang
pananampalataya ang isang tao kung sinusunod niya ang
mga aral ng Propeta sapagkat sila ang tanging daan at
katotohanan.
JUAN 10:30 "…ako at
ang ama ay iisa."
Karamihan sa mga Kristiyano
ang kanilang kaisipan sa bersikulong ito ay si Hesus at
ang Diyos isa sa pagiging isang Diyos.Ngunit katulad ng
ating paliwanag sa itaas,ang lahat ng gawa ni Hesus,ang
kanyang pagsilang, pamumuhay,
pangangaral,pagdarasal,pag-aayuno, pagtuli,
panalangin,pagbinyag ay mga tanda ng isang taong may
pananampalataya sa Diyos.Ang pagiging isa ni Hesus at ng
Diyos ay hindi sa pagiging Diyos kundi sa Layunin.Mula
sa unang tao layunin na ng Diyos na ang Kanyang mga
nilikha ay pag-isahin at akayin sa isang matuwid na
landas.At upang magkaroon ng katuparan ang layuning ito,
pumili siya ng mga Propeta upang makiisa sa Kanyang
layunin na dalhin ang tao sa tamang patnubay.Kaya't ang
layuning ito ng Diyos ay siya ring layunin ng lahat ng
Propeta mula kay Adan,Noah,Abraham,Moises,Hesus at
Muhammad (Sumakanila nawa angKapayapaan).
Samakatuwid, kapag ang isang
tao ay nanampalataya at sumamba ayon sa aral ng mga
Propeta, ang mga Propetang ito ay titiyakin na ang tao
ay mananatili sa pananampalataya, ang Makapangyarihang
Diyos ay magbibigay liwanag sa taong may pananampalataya
upang ito ay manatili sa tamang landas ng buhay.Kaya't
ito ang layunin ng Diyos at ng lahat ng Propeta at ng
lahat ng yaong may tamang pananampalataya.
IV. HESUS HINDI BUGTONG NA
ANAK NG DIYOS
Kadalasan ng naririnig sa
mga Kristiyano na si Hesus ay tanging (bugtong) na anak
ng Diyos.Ngunit ang Bibliya mismo ang nagpapatunay na sa
metaporikal na kahulugan nito, ang "anak ng Diyos"
ay hindi lamang naka-ugnay o nakatukoy kay Hesus, ang
katotohanan, ang salitang "anak ng Diyos" ay
ginamit din sa kaninomang taong may ganap na
pananampalataya sa Diyos.Ang mga Propeta ay tinatawag
din bilang "anak ng Diyos" sapagkat sila
katulad ni Hesus, ay ganap na sumunod at sumasampalataya
sa Diyos.Ayon sa Bibliya, ang Diyos ay maraming "anak"
EXODUS 4:22 "…Israel
ay aking anak ,aking panganay."
JEREMIAS 31:9 "…Ako'ng
pinakaama sa Israel,Ephraim ang aking panganay."
MGA AWIT 2:7 "…Ikaw
ay aking anak (David), sa araw na ito ay ipinanganak
kita."
I CRONICA 22:10 "…siya
ay magiging aking anak (Solomon) at ako'y magiging
kaniyang ama."
Ang titulo o katawagang
"anak ng diyos" ay ginagamit sa wikang Hebrew
na ang tunay na kahulugan ay yaong taong mabuti at ganap
na sumasampalataya sa Diyos.Halimbawa,sa Bibliya
mababasa na:
MATEO 5:44-45 "…
ibigin ang iyong kaaway upang kayo ay maging anak ng
inyong Amang nasa langit."
MATEO 5:9 "mapapalad
ang mga mapagpayapa sapagkat sila ay tatawaging anak ng
Diyos."
OSEAS 1:10 "…kayo ay
mga anak ng Diyos na buhay."
Isang maliwanag na
katotohanan mula sa mga bersikulo ng Bibliya na ang
"anak ng Diyos" ay pagsasaad ng pagmamahal at
pagsunod sa Diyos. Si Hesus ay walang alinlangang isa sa
nagmamahal at sumusunos ng ganap sa Kalooban ng Diyos.
V HESUS BILANG PROPETA NG
ISLAM NG KAHALINTULAD NI HESUS:
Una sa lahat ang mga Muslim
ay nananatili sa paniniwala na ang pagsilang ni Hesus na
walang ama ay kahalintulad ng pagkakalikha ng Diyos kay
Adan, na walang ama at ina. Ang Banal na Quran ay
nagpaliwanag:
QURAN 3:59 "Ipahayag:
Ang kahalintulad ni Hesus sa paningin ng Diyos ay si
Adan. Siya ay nilikha mula sa alabok.At saka nagwikang
"Maging" at "nangyari nga."
Tuwirang tinatalikdan ng
Islam ang ideya na si Hesus ay "anak ng Diyos."
Kung pagsilang ni Hesus na walang ama ang siyang
malaking dahilan upang siya ay tawaging "anak ng
Diyos" higit na may karapatan si Adan na tawaging
"anak ng Diyos" sapagkat siya isinilang na
walang ama at ina. Sa katotohanan, ang Kapangyarihan ng
Diyos ay hindi mapag-aalinlangan. Sa anumang pamamaraan,
lumilikha ang Diyos ng anumang Kanyang naisin. Nilikha
niya si Adan ng walang ama at ina. Si Eba ay nilikha
mula sa tadyang ng lalaki at walang ina. Si Hesus ay
nilikha na walang ama ngunit may ina.Ang karaniwang tao
ay nilikha ng Diyos na may ama at ina. Kaya sa Walang
Hanggang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos ng lahat
ng bagay na kanyang itakda ay natutupad at
nangyayari.Ang Diyos ay magsabi lamang ng : "Maging"
at mangyayari nga. Ang pagkakalikha ng Diyos sa iba't
ibang pamamaraan ay tanda lamang na Siya ay dapat
pag-ukulan ng Pagsamba at Pagmamahal.
ANG PAGSILANG NI HESUS
Si Hesus ay Propeta ng Diyos
na ipinadala para sa mga taga Israel upang mangaral sa
Tunay na diwa ng
pagsamba.Siya ay binigyan ng magandang karangalan sa
daigdig at sa
Kabilang buhay.Ang Banal na
Quran ay nagpaliwanag na pinili si Maria higit sa lahat
ng babae dito sa lupa.Ang Anghel Gabriel ay dumating sa
kanya na may magandang balita na siya ay nakatakdang
magsilang kay Hesus.Ang magandang salaysay na ito ay
matatagpuan sa Banal na Quran:
QURAN 3:45-48 "Ipagbadya!
Ang mga Anghel ay nagwika: Oh, Maria,Ang Diyos ay
nagbibigay sa iyo ng magandang balita ng isang Salita
mula sa Kanya : ang kanyang pangalan ay Hesus, anak ni
Maria, na may mataas na karangalan sa daigdig na ito sa
kabilang buhay At siya ay ( nasa hanay) ng mga malalapit
sa Diyos. Siya ay magsasalita sa tao mula sa kamusmusan
at kagulangan.At siya ay nasa hanay ng mga matutuwid.
Siya (Maria) ay nagwika:
Oh aking Panginoon! Paano
ako magkakaroon ng anak gayong walang lalaki ang humawak
sa akin? Siya ay nagwika:"Kahit na" Ang Diyos
ay lumilikha ng anumang kanyang naisin.Kung Kanyang
itakda ang isang balakin, Siya ay magsasabi (lamang) ng
"Maging" at " mangyari nga"
"Si Hesus ay tuturuan
ng Diyos ng Aklat at Karunungan.
Ang Batas at ang Ebanghelyo"
Si HESUS at ang kanyang INA
Tanging ang Banal na Quran
ang siyang nagbibigay ng magandang kalagayan tungkol kay
Hesus at Birhen Maria.Para sa mga Hudyo si Hesus ay
tinaguriang Huwad na Propeta at si Birhen Maria bilang
isang masamang babae.Sa paningin ng mga Hudyo,si Hesus
at Maria ay kabilang sa mga may mababang uri ng
pagkatao.Sa Kristiyanismo naman,itinuring si Hesus
bilang anak ng Diyos at Diyos na nagkatawang tao.Si
Birhen Maria bilang Ina ng Diyos. Ngunit ang Islam ay
siyang daan upang bigyang liwanag ang tunay na katayuan
ni Hesus at ng kanyang Ina , hindi bilang mababang uri
ng tao o mga diyos kundi mga mabubuting tao na nasa
hanay ng mga matutuwid.Ang Banal na Quran ay nagpahayag:
QURAN 5:78 "…si Hesus,
anak ni Maria ay hindi humigit sa isang Alagad (Propeta)
lamang. Maraming Alagad (Propeta) ang dumating bago pa
man siya.Ang kanyang ina ay isang babaing makatotohanan.
QURAN 3:42 "O, Maria!
Ikaw ay pinili ng Diyos (Allah), at ginawang dalisay (at
malinis), Ikaw ay piniling higit sa mga babae sa lahat
ng bansa."
ANG HIMALA ni HESUS sa BANAL
na QURAN
Ang salaysay ng Banal na
Quran tungkol sa mga Himala ni Hesus ay akmang-akma sa
kanyang kabanalan at karangalan.Taliwas sa Bibliya na
ang isang himala niya ay ang paggawa ng nakalalasing na
alak.
Sa Banal na Quran sanggol pa
lamang si Hesus ay nagbigay na siya ng himala.May isang
pagkakataon na ang tao ay nagtatanong kay Maria kung
bakit nagawa niyang magkaanak na ang pag-aakala siya ay
masamang babae.At upang patunayan ni Maria na siya ay
malinis na babae, hindi siya nagpaliwanag para sa
kanyang sarili kundi itinuro niya si Hesus na isang
sanggol.Sa pamamagitan ng Himala si Hesus ay nagsalita.
QURAN 19:29-30 " At
kanyang (Maria) itinuro ang sanggol.Sila (mga tao) ay
nagwika: "Paano namin makakausap ang isang batang
nasa duyan? Siya (Hesus) ay nagsabi:"Tunay na ako
ay Lingkod ng Diyos:Ako ay binigyan ng kapahayagan at
ginawa Niya akong PROPETA…"
Si Hesus ay nagpamalas din
ng himala sa iba't ibang pagkakataon.Ang Banal na Quran
ay nagsalaysay:
QURAN 3:49 "Ako ay
naparito sa inyo na may dalang Palatandaan mula sa
inyong Panginoon, na ako ay gagawa para sa inyo mula sa
(dakot na) alabok katulad ng hugis ng ibon"
At hinipan ito at naging
ibon "Sa Kapangyarihan ng Diyos aking pagagalingin
ang ipinanganak na bulag at ketongin.At aking bubuhayin
ang patay sa pamamagitan Kapangyarihan ng Diyos."
ANG LAYUNIN ni HESUS
Katulad ng nakasaad sa
Bibliya, maging ang Banal na Quran ay nagbibigay liwanag
tungkol sa layunin ni Hesus.Siya ay isinugo na may
hangaring gisinging muli ang mga Taga Israel na sa
panahong yaon ay nagkawatak-watak.Binigyang-diin niya
ang pangunahing aral ng Diyos,ang Pagsamba at
Pananampalataya sa Diyos.Ang Banal na Quran ay
nagpahayag tungkol sa aral ni Hesus: Siya ay nagsabi:
QURAN 3:51 "Siya ang
aking Diyos na inyong Panginoon kaya't Sambahin siya."
QURAN 5:75 "O, angkan
ng Israel, Sambahin ang Diyos, na aking Panginoon at
inyong Panginoon.Ang sinumang magtambal ng ibang diyos
sa (Tunay) na Diyos (Allah) ay di paroroon sa Paraiso at
ang Apoy ang kanyang tirahan.
Ang isa pang layunin ni
Hesus ay upang bigyang-daan ang pagdating ni Propeta
Muhammad (Sumakanya Nawa ang Kapayapaan).
Ang Banal na Quran ay
nagsabi
QURAN 61:6 "O, angkan
ng Israel, katotohanang ako ay Sugo ng Diyos sa inyo na
nagpapatotoo sa Torah (ni Moises) na nauna sa akin at
nagbibigay ng magandang balita na isang Sugo na susunod
sa akin na ang pangalan ay tatawaging Ahmad (Ang
Ipinagkakapuri)."
VII. HESUS, SAKSI sa ARAW ng
PAGHUHUKOM
At dahil nga sa paniniwala
at pagsamba kay Hesus bilang Diyos ng mga Kristiyano, sa
Araw ng Paghuhukom si Hesus ay haharap sa Diyos (Allah).Si
Hesus mismo ang magtutuwid sa maling paniniwalang ito.
Sa Araw ng Paghuhukom ang
Panginong Diyos (Allah) ay magtatanong kay Hesus.
Siya ay magsasabi:
QURAN 5:119-120 "
Ipahayag: Ang Diyos (Allah) ay nagwika: O, Hesus, anak
ni Maria,Ikaw ba ay nagsabi sa tao:"Sambahin ako at
ng aking Ina bilang mga Diyos na kahati ng Diyos? Si
Hesus ay nagwika: Luwalhati sa Inyo! Hindi ko maaaring
sabihin ang anumang bagay na yaon , ito ay Inyong
Batid.Batid Ninyo ang aking kalooban gayong ang sa Inyo
ay di ko batid.Wala akong sinabi maliban kung ano ang
Inyong ipinag-uutos na sabihin:SAMBAHIN ANG DIYOS, ang
AKING DIYOS at ako ay saksi habang ako ay kasama nila at
ng ako ay pumaroon sa Inyo, Kayo ang Saksi at tanging
nakakakita sa kanilang mga gawa."
VIII. Ang EBANGHELYO ni
HESUS
Isa sa saligan ng
Pananampalataya ng Islam ay ang Paniniwala sa mga Aklat
ng Diyos.Kinikilala ng mga Muslim ang mga sumusunod na
aklat bilang Patnubay para sa tao.Ito ay ang mga
sumusunod:
Aklat ni Abraham na
tinatawag na "Suhuf" (scroll of Abraham)
Psalmo ni David na tinatawag
na "Zabur" (Psalms of David)
Aklat ni Moises na tinatawag
na "Tawrat" (Torah of Moises)
Ebanghelyo ni Hesus
tinatawag na "Injeel" (Gospel of Jesus)
Banal na Quran ni Muhammad
"Al Quran" (Al Quran revealed to Muhammad)
Ang mga aklat na ito ay
ipinagkaloob ng Allah sa tao upang gawing panuntunan.Sa
paglipas ng maraming panahon ang mga aklat ng Diyos
maliban sa Al Quran ay nangawala na o hindi na buo ang
nilalaman.Ang Gospel ni Hesus ay isa sa naging biktima
ng pagkasira.Sa ngayon panahong ito,kung ating bubuksan
ang Bibliya,matutunghayan natin na ang Ebanghelyo o
Gospel ay hindi ayon kay Hesus kundi ayon sa apat na
manunulat,Ebanghelyo ayon kay Juan, Lucas,Marcus,at
Mateo.At kung susuriin mong mabuti ang nilalaman ng mga
ito, pawang mga kasaysayan noong panahon ni Hesus.Ang
mga ito ay nagsasalaysay lamang kung ano ang ginawa ni
Hesus sa pang-araw-araw. Nasaan ang EBANGHELYO ni HESUS
na SIYANG dapat gamitin ng tao bilang AKLAT ng PATNUBAY?
Sa pananaw ng Islam, ang Ebanghelyo ni Hesus ang siyang
tanging aklat na dapat paniwalaan bilang Aklat ng
Patnubay.At dahil nga sa wala na sa panahong ito ang
aklat ni Hesus, sa awa at pagpapala ng Allah, muli Siya
ay nagpahayag ng Kanyang Huling Aklat, ang Banal na
Quran ay nagbigay liwanag tungkol sa mga naunang mga
Aklat.Pinatutunayan ng Banal na Quran ang mga aklat na
ipinagkaloob sa mga Propeta ng Diyos.
ANG DAAN TUNGO SA KALIGTASAN
Ang mensahe ni Hesus ay
simple at matuwid katulad ng lahat ng nauna sa kanya at
ng huling Propetang si Muhammad (Kapayapaan ay sumakanya
nawa).Ang kanilang mga aral ay walang pagkakaiba.Ang
diwa at kabuuan nito ay ang:
ANG PAGSAMBA at PANINIWALA
sa
TANGING-ISANG DIYOS
Kalakip ng
GANAP NA PAGSUKO AT PAGSUNOD
SA KANYANG MGA BATAS
(Ang maikling kahulugan nito
ay Islam)
Ang tunay na pagmamahal ng
tao sa Diyos ay magkakaroon lamang ng ganap na katuparan
sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa kanyang mga
Batas.Ang lahat ng Propeta ng Diyos mula kay
Adan,Noah,Abraham,David,Moises, Hesus at Muhammad ay
walang pagkakaiba -iba sa pangunahing prinsipiyo.Sila ay
nagkakaisa sa isang layuning akayin ang tao sa isang
tamang landas tungo sa kaligtasan.
LUMANG TIPAN (Moises)
Si Moises ay nagsabi:
DEUTERONOMY 6:5 "Pakinggan
mo O Israel, Ang Panginoong Diyos ay Isang Panginoon, At
iyong mahalin ang inyong Panginoon ng buong puso, ng
buong kaluluwa at buong lakas."
BAGONG TIPAN (Hesus)
Si Hesus ay nagbigay aral
din at nagwikang:
MARKUS 12:29 "Pakinggan
mo O Israel.Ang Panginoon nating Diyos ay Isang
Panginoon. At iyong mahalin ang iyong Panginoong Diyos
ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong isip at ng buong
lakas."
BANAL NA QURAN
Ang Diyos (Allah) ay
ipinahayag kay Propeta Muhammad ang pangunahing utos na
ito:
QURAN 39:11-12 "Ipahayag:
ako'y napag-utusang maglingkod sa Diyos ng tapat na
Panalangin.At ako ay napag-utusang maging isa sa mga
sumusuko ng (buong) sarili sa Diyos."
QURAN 112:1-4 "
Ipahayag: Siya ang ALLAH.Ang Tanging Isang Diyos.ALLAH,
Walang Hanggan,Ang Kaganapan Walang Anak o di
ipinanganak At sa Kanya ay Walang Makakatulad.
ANG KONSEPTO ng TUNAY NA
DIYOS ayon sa mga PROPETA
Ang Banal na Quran bilang
Huling Aklat ng Diyos na ipinagkaloob kay Propeta
Muhammad (sumakanya Nawa ang Kapayapaan) ay naghahandog
ng isang malinis at wagas na pagkilala sa Tunay na
Diyos.Ilan sa mga Katangian na isang Tunay na Diyos ay:
QURAN 6:103 "Walang
paningin ang makapanghahawak sa kanya ngunit Kanyang
napanghahawakan ang lahat ng paningin."
QURAN 112:4 "At sa
Kanya ay walang makakatulad."
Maging sa maraming pahina ng
Bibliya, matatgpuan ang mga katangian ng Tunay na
Diyos.Halimbawa, ang Diyos ay nagsabi tungkol sa Kanyang
sarili:
ISAIAS 47:10 "At walang
Nakakakita sa Akin."
ISAIAS 46:9 "Ako ay
Diyos at walang gaya ko."
Si Hesus ay nagsabi rin ng
ganito:
JUAN 5:37 "kailanman
hindi ninyo narinig ang Kanyang tinig, ni hindi man
ninyo nakita ang kanyang anyo."
HULING PANANALITA
Batay sa nabanggit na
katotohanang inilahad sa maikling lathalaing ito,ang mga
kapatid na Kristiyano ay nangangailangan ng matapat na
pag-aaral,masusi at makatuwirang pagsikhay tungkol sa
katauhan ni Hesus kaalinsabay ng tunay na diwa at aral
ni Hesus sa sangkatauhan.
Ang Banal na Quran ay
naghahandog sa lahat ng taong naghahanap ng katuwiran,
katotohanan at kapayapaan kakambal ng pagnanasang matamo
ang kahalagahan ng tunay na pagsuko sa Diyos at ang
pagkilala sa ating Diyos na Lumikha sa lahat ng
bagay.Ang ALLAH. Tanging ang Banal na Quran lamang ang
siyang nagbibigay ng malinaw na konsepto sa nag-iisang
Diyos (Absolute Oneness of God).
Ipinahahayag din sa Banal na
Quran si Hesus bilang Sugo,Propeta at Lingkod (Alipin)
ng Diyos.
Ang susi tungo sa kaligtasan
ay nakasalalay sa tamang pananampalataya, paniniwala at
pagsamba sa Diyos.Isinasaalang-alang ng Islam ang
Kaligtasan bilang pansariling tungkulin ng tao ayon sa
kanyang kabutihan, pagkakawanggawa, pagkamasunurin at
paglilingkod sa Diyos at higit sa lahat ang Tunay na
pananampalataya na nasa ating puso at isip.
Ang ating Maykapal ay
nagsabi na lahat ng ating mga kasalanan ay maaari niyang
patawarin maliban sa isa at ito nga yaong pagsamba sa
isang bagay na nilikha niya.Ang Idolotriya ay isang
kasalanang walang kapatawaran.Maging kasinglawak man ng
lupa o kasingtaas ng ulap o kasinglalim ng karagatan ang
ating kasalanan ngunit ito ay mapapatawad ng Diyos kung
tayo ay kumilala at sumampalataya sa Kanya lamang.Kaya't
ating bigyang daan sa ating isip ang bagay na ito
sapagkat dito nakasalalay ang ating huling
hantungan.Walang magandang bagay na hihigit pa kaysa sa
KATUWIRAN sapagkat dito nagsisimulang umusbong ang
liwanag tungo sa landas ng kabutihan at ang tunay na
kahalagahan ng buhay dito sa lupa at maging sa kabilang
buhay.
Sana ay pagpalain tayo ng
ALLAH sa ating mga mabubuting gawa lalo na sa paglalahad
ng katotohanan tungo sa kapayapaan ng buhay dito at sa
kabilang buhay.
Sumasainyo,
Ahmad Jibril Salas
Islamic Call &Guidance
of the Philippines
Manila, Philippines
Muling inilimbag ng:
Religious Research Centre
Talon-Talon, Zamboanga City,
Philippines